07/25/2025
Isinulat ni: Angela Kyle Mauricio
Disenyo ni: Ihrah Chloe Ocampo
Sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa, masasabi nga na lubhang mapanganib ang epekto na dulot ng habagat, lalo na ng bagyong “Dante” at “Emong” sa Pilipinas, Dahil dito, maraming komunidad ang nananatiling lubog sa tubig. Kaya naman, hindi lang ari-arian ang napipinsala ng baha, kundi pati kalusugan ng mamamayan, dahil ang tubig-baha na dala ng bagyo ay mayroong mikrobyo na maaaring magdulot ng sakit sa tao.
Kaugnay nito, isa pa sa mga pangunahing panganib na dulot ng paglusong sa baha ay ang leptospirosis, isang sakit na nakukuha sa tubig na kontaminado mikrobyo mula sa ihi ng mga daga at iba pang hayop. Maaari rin na makuha ang sakit na hepatitis A, diarrhea at iba pang gastrointestinal infections kapag ito ay nainom o nakalublob ang katawan dito.
Bukod sa mga mikrobyo, ang baha ay nagdadala rin ng nakalalasong kemikal at basura mula sa mga bahay at industriya. Maaari itong makasira sa immune system at magdulot ng allergic reactions, impeksyon sa balat, o mas malalang kondisyon kapag nalublob o nakain. Ang pagkakalantad sa mga uri ng dumi na ito ay isang seryosong banta sa kalusugan, kaya't mahalaga ang tamang pag-iingat tulad ng pagsusuot ng proteksiyon na kasuotan at pag-iwas sa direktang kontak sa tubig-baha.
Sa panahon ng kalamidad, mahalaga ang pananatiling pagtutok sa balita para sa mga karagdagang paalala, impormasyon at paghahanda upang mapanatili ang kaligtasan. Ipinapayo na huwag munang lumusong sa baha kung hindi naman kinakailangan at siguraduhin din na ligtas ang pagkain at inumin. Kung kaya't sa huli ang pagiging alerto at maingat pa rin ang nagsisilbing susi upang maiwasan ang sakit at mapanatili ang malusog na kalusugan, sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng bagyo sa ating bansa.